Skip to main content

Para Kang Bato

Para Kang Bato



NALILITO ka kung anong klaseng love life ang meron ka. Ni hindi mo lubos maisip na makakapag-asawa ka. Sa edad mong trenta ay wala ka pang anak pero may mister na. Hindi mo alam kung paano nagsimula ang lahat. Isa kang surgeon at lagi kang busy sa iyong trabaho. Kagustuhan mo naman iyon dahil iyan ang pinili mong propesyon.

Kung tagapagligtas ka ng mga taong nasa bingwit ng kamatayan, ang asawa mo naman ay tagapagtanggol ng mga inaapi at tagapagtaguyod ng hustisya. Malaki ang potential niyang maging opisyal ng Department of Justice pero dahil philanthropist lawyer siya, naglilingkod siya sa publiko kung saan nito ginugugol lahat ng oras. Kapwa ninyo mahal ang inyu-inyong mga career. Pero ang tanong, mahal niyo ba ang isa't-isa?

Wala kang matandaang romantic scene sa pagitan ninyong dalawa. Kahit courtship ay hindi niyo yata isinagawa. Kahit kailan ay hindi kayo nag-date o nagkahawak-kamay man lang sana. Hindi kayo nagngingitian sa isa't-isa. Pati kuwarto ay magkaiba pa kayo at hindi niyo pa naranasang kumain nang sabay. Basta ang natatandaan mo, ikinasal lang kayong dalawa pagkatapos ng isang blind date. No choice na kayo sa panahong iyon dahil desperada na kayong magkaroon ng asawa kasi nga nasa katanghalian na kayo ng inyong buhay. Platonic relationship tuloy ang kinahantungan ninyong mag-asawa. Ang hirap ng feeling mo, pero dahil busy ka, nababalewala naman. Nakalimutan mo na nga yata ang pangalan mo dahil lagi kang nasa surgery room.

"Silvanus," tawag mo sa lalaking nakatalikod sa 'yo. Humarap siya at tumambad ang walang kulay nitong mukha na sanhi na siguro ng matinding kapaguran. Gayunpaman ay makikita pa rin sa mukha nito ang kaguwapuhan. Kaguwapuhang hindi mo natipuhan minsan man.

"Annie, may resulta na ba?"

Isa kang forensic pathologist, isang doktor na nakatuon sa pag-iimbestiga ng mga walang buhay na katawan. "Walang malalim na rason kung bakit namatay ang matanda. Dahil iyon sa katandaan at ang lagi nitong iniinda na sakit."

Tumitig siya sa 'yo na parang hindi naniniwala. "Maaasahan ko ba ang sagot na 'yan?"

"Doktor ako. Lahat ng ginagawa ko ay sinumpaan ko."

Bumuntong-hininga siya. "Okay. Maraming salamat."

Akmang tatayo na siya nang nagsalita ka. "Umupo ka muna."

Tumingin siya ng diretso sa 'yo. "May estranghero sa pagkamatay niya, 'di ba?"

Napabuntong-hininga ka na lang saka umiling. "Napaka-seryoso mo sa trabaho. Sino ba ang matandang iyon na ganyan ka na lang mag-alala? Na parang kaya mong ipalit ang buhay mo alang-alang sa iba?"

"Isa siya sa pinakamatanda na inaalagaan namin sa ampunan"

"Hindi ko tinatanong kung sino siya." Iniba mo ang usapan. "Kumain ka na ba? Dahil kung hindi pa, magpapa-order ako."

"Hindi na kailangan. Sige na, may aasikasuhin pa ako. Baka hindi ako makauwi sa bahay hanggang Sabado." Tinapik niya ang balikat mo at wala kang nagawa kundi ang habulin ito ng tingin. Hindi raw siya uuwi hanggang Sabado pero hindi mo na aasahang magkatotoo 'yon. Baka next month pa ang uwi nito. Nagkikita lang naman kayo kung involved na ang trabaho ninyo. Pero dahil wala kayong nararamdamang spark, selos, o pangungulila, hindi nanan iyon malaking bagay sa inyo. Aaminin mong nang sinabi mo kanina kung kumain na ba ang iyong asawa, hindi ka talaga concerned kung kumain na ba ito. Ni nailang ka nang tinanong mo 'yon. Tinanong mo lang iyon dahil... ano nga ba? Napailing ka. Maski ikaw ay 'di mo matukoy kung ano, tinanong mo lang 'yon dahil wala lang.

Isang gabi, matutulog ka na sana nang makarinig ka ng yabag sa baba. Kinabahan ka kaya dahan-dahan kang bumaba, tangan ang baston na pamprotekta. Pero bago mo pa nabuksan ang ilaw, nakarinig ka na ng ungol ng ligaya mula sa dalawang taong nagpapakasaya sa ibabaw ng sofa. Sigurado ka na ang lalaki ay ang iyong asawa kasama ang nabili nitong babae mula sa kung saan.

Iyon nga lang, sa halip na magalit ay nakahinga ka nang maluwag. Akala mo kung ano na.
"Ohh... Sige pa!"

Napangiti ka na lang sa iyong narinig at umiling saka dahan-dahang umakyat para 'di nila maramdaman ang iyong presensya. Sa loob ng iyong kuwarto ay mahimbing kang nakatulog pagkatapos ng iyong pagpapaligaya sa sarili.

Sa pagdaan ng mga araw ay walang nagbago sa buhay mo. Gano'n pa rin ka-busy at ka-hard work. Subalit nasasahuran ka naman nang makatwiran. Iyon nga lang, ang lungkot. Parang gusto mong magka-love life kahit pa meron ka ng kabiyak. Naisip mong hindi pagtataksil ang iyong gagawin kundi pagsasabubuhay ng social life mo. Para patas lang kayong dalawa.

Nang nalaman ni Silvanus ang iyong ginawa, kinausap ka niya ng masinsinan. "Gusto kong hiwalayan mo ang kabit mo."

Parang isang kalamidad ng buhay mo ang iyong narinig kaya hindi mo naiwasang sampalin ito. "Wala kang karapatang pagsabihan ako ng ganyan! Wala akong kabit!"

"Wala? E, sino iyong lalaking kaaalis lang? Ang sarap ng tulog ko pero iyon pala, may ibang lalaki sa kabila," nagngangalit ang ngipin nito nang sabihin nito iyon.

"May problema ba kung may ka-relasyon ako? Samantalang ikaw kahit alam kong iba-iba ang babaeng ikinakama mo, tumatahimik lang ako. Anong gusto mong gawin ko, ha? Ikaw lang ba ang may pangangailangan?"

Hindi agad nakapagsalita si Silvanus. Saglit muna kayong nagkatitigan. "Kung iyan ang gusto mo, e 'di sige! Sang-ayon ako!" Walang emosyon ang mukhang tumalikod ito sa 'yo.

Nang ikuwento mo iyon sa iyong bestfriend na anesthesiologist ay nag-suggest itong mag-divorce na lang kayong dalawa. Nagliwanag ang mukha mo pero parang pinipigilan ka ng damdamin mo. "Sa tingin ko, hindi iyan magandang idea."

"Asus. Baka naman kasi mahal mo siya. Hindi man lang ba kayo nag-labing-labing kahit minsan?"

Umiling ka. Iyon ang katotohanan. "Hindi ko siya mahal. Hindi kami nagmamahalang mag-asawa. Platonic relationship lang ang meron kaming dalawa. Pero hindi rin kami pwedeng mag-divorce. Kung gusto mong tanungin kung bakit, walang ibang rason kundi hindi kami magdi-divorce dahil hindi kami magdi-divorce. Iyon lang."

Napailing na napakibit-balikat si Xeena na parang hindi naniniwala sa iyo.

Ngunit sa hindi inaasahang pagdating ng isang araw, nagulat ka na lang nang magkaroon ng emergency surgery at si Silvanus ang iyong pasyente. Ginawa mo lahat ng paraan para maibalik ang normal na daloy ng dugo niya. Pero malayo ang agwat ng Diyos sa doktor. Hindi mo kayang gumawa ng himala. Hindi na kaya ng utak at kamay mo na manipulahin ang kanyang katawan. Namatay ang asawa mo sa ilalim ng sarili mong operasyon.

Naghimagsik ka sa iyong sarili dahil bakit sa kahuli-huliang pagkakataon, bakit magpahanggang sa oras na ito ay wala ka pa ring maramdaman. Hindi pa rin tumitibok ang puso mo. Ni hindi ka naluha, ni hindi mo na-realize na mahal mo siya, ni hindi ka nalungkot sa pagkawala niya. Parang nagkaroon ka lang ng operasyon sa hindi kakilala at hindi mo naisalba ang buhay niya. Parang wala lang sa 'yo, parang hindi ka namatayan, para kang bato.


                 *** WAKAS ***

© 2016




Comments